MP MAISARA’S MESSAGE ON 4TH MARAWI SIEGE ANNIVERSARY

May 23, 2021

Ngayong araw, ginugunita natin ang ika-apat na taong anibersaryo ng Marawi siege. Ang pangyayaring ito ay yumanig sa libo-libong mga Meranao. Ito ay nagdulot ng labis na kalungkutan na magpahanggang ngayon ay patuloy na nararamdaman.

Bilang isang myembro ng parliamento at bilang isang Meranao, nais ko pong iparating ang aking lubos na pakikiramay sa mga nawalan ng mahal sa buhay, sa mga nawalan ng kabuhayan at sa mga nawalan ng tirahan na hanggang ngayon ay patuloy na nakikipag sapalaran sa iba’t ibang lugar. Ramdam ko po ang inyong pagdadalamhati. Hindi po kayo nag-iisa. Hindi po natin basta lang na ginugunita ang anibersaryong ito upang manumbalik sa atin ang lahat ng mapapait at masasakit na ating pinagdaanan at patuloy na pinagdadaanan. Atin pong ginugunita ang anibersaryong ito upang iparamdam sa inyo na hindi po namin kayo kinakalimutan, na hindi po namin kayo iniiwan, at higit sa lahat hindi po namin kayo pinagkakaitan ng oras dahil alam po namin kung gaano kayo kahalaga sa ating kumunidad, at iyon ang isang bagay na hinding-hindi magbabago.

Ang Opisina po ni MP Maisara, at nang buong Rehiyon ng Bangsamoro ay patuloy na nagbibigay ng sulosyon at patuloy na magbibigay ng tulong upang atin pong makamtan ang matagal na nating ninanais, ang KAMBALINGAN, In shaa Allah! Naniniwala ako na ang tunay na kapayapaan at katahimikan na inyong inaasam ay makakamit lamang kung ang totoong rehabilitasyon ay ating makakamtan. Ang rehabilitasyong ito ay ang pagbangon ng mga tao mula sa bangungot ng nakaraan at ang katahimikan ng mga pamilya ng mga nawala at namayapa noong Marawi Siege. Ito’y rehabilitasyon na ang batayan ay buhay ng mga tao at hindi ng magagandang bahay, kalsada, gusali at ilan pang mga magarbong establisamento na ipapatayo sa Marawi.

Hanga ako sa inyong ipinapakitang tapang at pagtitiis. Dahil sa kabila ng iba’t-ibang mga pagsubok na inyong pinagdadaanan ay nandiyan pa rin kayo’t lumalaban at umaasa na balang araw ay makakabalik rin kayo sa Marawi. Isa kayo sa mga taong nagbibigay inspirasyon sa akin upang ipagpatuloy ang mga magagandang gawain at patuloy na tumulong sa mga taong nangangailangan. Ang pagiging matiisin at pagiging matapang ninyo sa mga hamon ng buhay ay isang paalala na hindi rin dapat ako mawalan ng pag-asa at patuloy na sumulong upang maipahatid ang inyong mga hiling at hinaing sa mga kinauukulan. Ako’y magsisilbing tulay at boses ninyo sa parliamento. Nawa’y ang araw na ito ay magsilbing paalala sa mga namumuno sa rehabilitasyon ng Marawi na ito’y pabilisin pa lalo upang sa ganun ay maisakatuparan na ang matagal nang dinadaing ng mga IDPs na kambalingan. Ang permanenting pagpapabalik ng mga tao sa most affected area ng Marawi ay siyang susi sa tunay na kapayapaan at katahimikan na kailanman ay hindi matutumbasan ng kahit ano pa mang relief assistance, kabuhayan program at libo-libong temporary shelter.

Ako’y taos pusong nagpapasalamat sa lahat ng tumutulong upang maibangon ang Marawi at sa ating pagiging matatag sa kabila ng mga hamon. Nawa’y patuloy tayong gabayan at tulongan ng maykapal sa pagkamit natin sa ating ninanais na katahimikan, kaunlaran at kapayapaan hindi lang sa Marawi kundi sa buong mundo.

MP Atty. Maisara C. Dandamun-Latiph
Bangsamoro Transition Authority – BARMM

May be an image of one or more people and text that says 'BANGSAMORO AUTONOMOUS REGION IN MUSLIM MINDANAO BANGSAMORO TRANSITION AUTHORITY OFFICE OF MP ATTY. MAISARA C. DANDAMUN-LATIPH RARMM REMEMBERING THE MISSING AND THE DEAD: A Conversation with the Families of Missing and Dead during Marawi Siege in Aid of Legislation mpmaisara@gmail.com mpmaisara.com/ @mpmaisara Empowering Voices'

Related Articles

Maraming Salamat Bangsamoro

Maraming Salamat Bangsamoro

Maraming Salamat. Isang malaking karangalan ang maglingkod sa inyo bilang myembro ng BTA Parliament. Paalam na po sa inyong lahat. Giyadun i kapag udas akun rukano mga lokus akun ago pagari akun. Panalamatan akun sukano langon. Relae ako nyo ko mga galubuk a da akun...

read more