ANG PAG-AARAL NG ISANG BATANG BAKWIT SA PANAHON NG NEW NORMAL
Ang pag-aaral ay isang pundasyon para sa magandang buhay ng ating mga kabataan. Isang kalidad na edukasyon ang maaaring maging susi laban sa kahirapan na pangunahing problema ngayon ng ating bansa. Noong kasagsagan ng Marawi Siege, libo-libong bata ang napilitang tumigil sa kanilang pag-aaral dala ng pangyayaring ito. Makalipas ang tatlong taon, isang pandemya ulit ang pumukaw sa agam-agam ng mga mag-aaral na bakwit.
Maraming mga magulang ang nag-aalala na baka matigil ulit ang pag-aaral ng kanilang mga anak dahil sa walang sapat na kapasidad ang isang ordinaryong bakwit na makipagsabayan sa sinasabi nilang new normal. Si Ombak ay isang batang IDPs na mula sa Ground Zero. Ang tanging ikinabubuhay ng kanilang pamilya ay pagtitinda ng mga sari-saring kakanin tulad ng bicho-bicho, maroya, banana-que at iba pa tuwing umaga at hapon.
Sa isang araw, nakakabenta sila ng 200 pesos, at kapag sineswerte naman ay 300 pesos ang benta nila na siyang tanging pinaghuhugutan nila ng gastusin sa pang arawaraw. Ang pamilya ni Ombak ay isa lamang sa libo-libong pamilya ng bakwit na hanggang ngayon ay nakikipag sapalaran sa iba’t ibang temporary shelters. Ang iba naman ay patuloy na umuupa or nakikitira pa rin sa kanilang mga kamag-anak.
Gustohin man nilang makapag-aral ng maayos ang kanilang mga anak, wala silang ibang choices kundi ang maghintay sa kung ano man ang concrete plan sa kanila ng gobyerno dahil kung ang mangyayari ay ang sinasabi nilang online classes o ang pag-aaral sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya, marahil na libo-libong bata ulit ang mapipilitang tumigil muna mag-aral dahil hindi nila kakayanin ang gastusin sa ating new normal, maliban lamang kung may suporta na ibibigay sa kanila ang ating gobyerno tulad ng gadgets at internet connection.
Ang epekto ng Marawi Siege ay patuloy na narararamdaman ng karamihan sa mga IDPs at ngayon na may panibagong sakuna ang yumanig sa kanila, saan at paano pa kaya sila makakabangon? Patuloy silang nagdadasal na sana’y matapos na lahat ng pagsubok na ito sa kanila upang sa ganun ay makatotohanan na silang makakabangon mula sa bangungot ng Marawi Siege at Covid-19.
Tulad ng isang ordinaryong bata, ang isang batang bakwit ay may karapatan din na makapag-aral ng maayos, saan mang lugar siya naroroon. Karapatan din niyang mangarap na balang araw ay mabibigyan din niya ng magandang buhay ang kanyang pamilya.