Mr. Speaker, Members of Parliament, and distinguished colleagues: Assalaamo Alaykom Warahmatullahi Wabarakatuh! Magandang hapon po sainyong lahat!
Ito ay kwento ng isang bata na gumagala sa labas dahil wala siyang matutuluyan, isang bata na walang nag-aalagang magulang at naninirahan lamang kasama ang isang kamag-anak o kapit-bahay ngunit hindi siya naaalagaan ng maayos, isang batang sapilitang nagtatrabaho kumita lamang upang may pang tustos sa kanyang pangangailangan at para makatulong sa kanyang pamilya, isang bata na walang nag-aalaga at kulang sa atensyon at walang nagbibigay ng gabay kaya’t siya’y maaaring humantong sa pagsali sa mga grupo ng mga ekstremista, isang batang pinagkaitan ng pangunahing mga serbisyo kabilang ang access sa edukasyon at mga serbisyong pangkalusugan. Ito’y kwento ng isang batang nawalan ng magulang. Batang walang nag-aalaga at nagmamahal, dama ang kalungkotan at kahirapan ng buhay. At dahil sa mga batang ito, ang mga bata at mga batang ulila ay masasabi nating isa sa pinaka vulnerable na sector mula sa ating Rehiyon na kinakailangan lamang bigyan ng pansin.
Ang mga bata ay may kaukulang pangangailangan na dapat gampanan ng kanyang mga magulang. Ito’y lihitimong Karapatan na dapat nating ibigay sa kanila. Sa mga pagkakataong wala ang magulang o walang kamag-anak na maaaring gampanan ang tungkolin ng kanyang namatay na mga magulang, sino ang dapat tumugon sa kanilang mga daing o panawagan? Dito kinakailangan ang intervention ng ating Pamahalaan lalong lalo na ang BARMM Government.
Ang mga Muslim ay may tungkuling protektahan ang iba mula sa anumang uri ng pinsala at tulungan ang mga nangangailangan tulad ng mga ulila. Ang Islam ay nagbigay ng malaking kahalagahan sa pagtulong sa mga nangangailangan at maraming mga paalala tungkol sa gantimpala para sa pagtulong sa mga ulila.
Ang mga ulila ay binibigyan ng pangunahing pangangalaga sa ating relihiyong ISLAM, pati na rin sa iba pang mga relihiyon. Si Propeta Mohammad (S.A.W) ay isang ulila mismo. Bukod dito, ang paksa sa mga ulila ay nabanggit nang higit sa dalawampung beses sa Qur’an at sinasangguni rin sa Hadith ng ating Propeta.
Ayon sa Hadith ng Propeta Mohammad (S.A.W) na nabanggit sa Saheeh Al-Bukhari:
(“Ako, at ang tagapag-alaga ng Ulila ay magkasama na papasok sa Paraiso”)
Sa ating bagong gobyerno ng tinaguriang “BARMM”, dapat magkaroon ng pagkakataon ang bawat sector na marinig ang kanilang hinanaing upang malaman at matugunan ng Pamahalaan. Ito ay kinakailangan para sa paggawa ng mga tumutugong proyekto at batas.
Ang isa sa mga pangunahing prayoridad ng aking tanggapan ay ang ating mga bata at mga batang ulila (Orphans and Children).
Pinapangunahan ng ating Opisina kasama ang ating mga partners ang maraming mga hakbang sa paglilingkod sa ating mga ulila at bata tulad ng “Siyap Ko Wata-Ilo Outreach Program” sa home-based at center-based na mga orphanage sa loob at sa labas ng rehiyon, “Siyap ko mga Wata” at “Siyap ko mga Toril”. Ito ay ilan lamang sa ating mga inisyatibo upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga bata at mga batang ulila. Tayo ay naniniwala na sa pamamagitan ng ating pakikilahok at pakikipagtulungan, maari nating mapabuti ang ating mga serbisyo at mga hangarin upang matugunan ang mga alalahanin ng mga batang ulila sa pamamagitan ng pagbibigay ng mas konkretong programa at mas epektibong batas.
Kamakailan ay nagsagawa tayo ng CARE FOR ORPHANS PUBLIC CONSULTATION IN AID OF LEGISLATION sa buong Rehiyon kasama ang ating partner na “The Asia Foundation”. Ang unang konsultasyon ay ginanap sa Lanao del sur noong Marso 20, 2021, at sa Maguindanao naman noong Mayo 31, 2021, at sa lalawigan ng BASULTA nong buwan ng Hunyo at Hulyo.
Ito ang aming hakbang upang mapalawak ang maabot ng aming mga konsultasyon upang makakuha ng isang mas mahusay na larawan ng sitwasyon ng mga ulila sa buong Rehiyon. Nais naming marinig mula sa kanila ang iba’t ibang mga isyu, problema at hamon ng mga ulila direkta mula sa mga stakeholder, partners, indibidwal o institusyong sumusuporta sa kanila.
Base sa lumabas sa ating mga konsultasyon, ang mga pangunahing isyu at mga problema ay ang: (1)kakulangan ng konkretong data tungkol sa mga ulila sa loob ng ating rehiyon, (2)Ang mga problema at suliranin tungkol sa pamantayan ng mga ipinapatayong toril or madrasa institutions, (3) Limitadong suportang pinansyal at tulong sa mga ulila tulad ng pag-access sa edukasyon at serbisyong pangkalusugan, (4)Kakulangan ng suporta sa pangangasiwa ng mga ulilang nakabase sa bahay at yong nasa Toril learning school o Madrasah at (5) ang mga isyu patungkol sa kanilang Seguridad at Hustisya.
Ayon sa pag-aaral mula sa “Children of War: A Rapid Needs Assessment of the Orphans in Muslim Mindanao” na suportado ng The Asia Foundation (2020), kasalukuyang walang mga orphanage o tirahan na accredited ng DSWD sa Bangsamoro. Sa halip, maraming mga ulilang Muslim mula sa Mindanao ang natulongan ng DSWD noon sa pag proseso ng kanilang mga papelis ang madalas na ipinapadala sa mga orphanage center sa Maynila. Ang suliranin na ito ay dapat isa sa prayoridad na kinakailangang tugunan ng ating pamahalaan. Sa pamamagitan ng pagpapatayo ng mga orphanage center at ang pagbibigay sa kanila ng suporta ay makakapagbigay ang Pamahalaang Bangsamoro ng mas higit na positibong epekto sa buhay ng mga batang ulila.
Ito ay ilan lamang sa mga rekomendasyon mula sa ating konsultasyon: (1)Magdisenyo ng isang holistic at inclusive na komprehensibong programa para sa widows at orphans, tulong sa pinansyal at suporta sa mga bata at sa institusyon tulad ng mga Toril at Madrasa, (2)Ang mga bata ay kinakailangang magkaroon ng proteksyon mula sa pang-aabuso, (3)Siguradohing ligtas sa anumang kapabayaan at karahasan ang mga bata at (4) palawakin ang serbisyong pangkalusugan at edukasyon, pagbibigay ng oportunidad at pangkabuhayan sa mga pamilya o tagapag-alaga sa mga bata upang mapabuti ang kanilang kondisyon at pamumuhay. (5) at ang maigting na pagpapatupad ng mga batas patungkol sa mga Karapatan ng mga bata.
Ang buwan ng Nobyembre ay kinikilala bilang buwan ng mga bata. Ang tema para sa taong ito ay, “New Normal na walang Iwanan: Karapatan ng Bawat Bata ay ating Tutukan.” Bilang isang kasapi ng gobyerno, sabay sabay nating itaguyod ang karapatan ng bawat bata.
Tayo ay may tungkulin na alagaan at protektahan ang mga karapatan nila bilang bata sa pamamagitan ng pagbibigay ng pangunahing atensyon upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan. Palagi natin isaisip ang mga bata ay isa sa pinakamahalagang parte ng ating lipunan sapagkat sila ang pag-asa ng bayan. Sa pamamagitan ng pagtulong natin sa kanila at pagbibigay ng atensyon ay siya na ring pagtulong natin upang mapabuti at mapaganda ang kinabukasan ng ating susunod na henerasyon.